5 pulis na sangkot sa pagpapakulong sa broadcaster, sinibak

MANILA, Philippines — Sinibak sa kani-kanilang puwesto ang limang pulis ng Manila Police District-Pandacan Police Station 10 na sangkot sa pagpapakulong sa isang radio reporter/broadcaster dahil sa simpleng bayolasyon sa pagsusuot ng face mask.

Kaugnay ito sa ginawang pag-aresto sa isang police checkpoint kay Lorenz Tanjoco, reporter/broadcaster ng government-owned Radyo Pilipinas noong Sabado ng gabi.  

Ipinag-utos ni MPD Direcctor BGen. Leo Francisco na sibakin sina PLt. Josel Pinon, hepe ng Beata PCP; mga tauhan na sina PSMS Jonathan Hernandez, PCpl. Charles Bronzon Dela Torre, Patrolman Marvin Anthony Comboya at Pat. Jonathan Abad.

Pansamantala silang itinalaga sa District Investigation and Detective Ma­nagement Division (DIDMD) habang pinag-aaralan ang kanilang kaso.

Sinita si Tanjoco na sakay ng motorsiklo dahil sa wala siyang suot na face mask bagama’t nakasuot siya ng helmet. Sinabi ni Tanjoco na natanggal ang face mask at hindi na niya naisuot dahil sa tumatakbo sa kalsada.  

Sa kabila nito, pinaratangan umano na arogante si Tanjoco nang nagpakilala na miyembro ng media at ikinulong sa detention cell ng Beata Police Community Precinct dahil sa Disobe­dience umano.

 

Show comments