Deadline sa pagbabayad ng real property tax sa Quezon City, inextend
MANILA, Philippines — Dahil sa implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa ‘BCR Plus’, pinalawig ng Quezon City government ang deadline sa pagbabayad ng real property tax at tax amnesty hanggang April 20.
Ito ay makaraang ipasa ng Quezon City Council ang Ordinance SP 3017, S-2021 na nagtatakda ng bagong deadline para sa 2021 first quarter real property tax payment na nag- aamiyenda sa Sec. 12(b), Article 7, Chapter 2, ng Ordinance No. SP-91, 81993 o Quezon City Tax Code.
Ipinasa rin ang Ordinance SP-3018 S-2021 na nagtatakda ng bagong deadline para sa pagbibigay ng tax amnesty sa real property owners mula sa pagbabayad ng interest para sa delinquent real property taxes.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte na naiintindihan ng lokal na pamahalaan ang hirap at banta dulot ng pandemic kaya’t sa pamamagitan ng ekstensyon hanggang April 20 sa pagbabayad ng real property tax at implementasyon ng tax amnesty ay mapapagaan ang gastusin ng mga property owners.
- Latest