MANILA, Philippines — Nailigtas ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang dinukot na Taiwanese kamakalawa ng gabi sa Parañaque.
Ayon kay PNP chief Gen. Debold Sinas, si Wu Keng Hao, ay na-rescue sa Pearl Marina building sa Parañaque City dakong alas-9:30 ng gabi sa Unit 2824.
Bago naganap ang pagdukot, nabatid na nag-apply ng trabaho ang biktima sa Telegram Apps noong Pebrero 26 sa pamamagitan ng social media platform na pinangangasiwaan ng Yinghuang Yule E na isang Chinese company. Sasahod ang biktima ng 13,000 RMB o P87,100 kada buwan.
Matapos na magkasundo, sinundo si Wu ng isang Filipino driver at umano’y Chinese employee ng Yinghuang Yule Company at dinala sa isang hotel sa Pasay City para umano sa i-quarantine.
Dinala siya sa Room 607 nang dumating ang isang Chinese para naman umano sa COVID-19 testing. Dahil sa duda, tumanggi si Wu na sumama.
Pebrero 28, nang sunduin ng grupo ng mga Chinese ang biktima at dinala sa Las Piñas City at sinabihan ibinenta na siya sa halagang 30,000RMB o P201,000 sa isang POGO company.
Kinabukasan, Marso 1, muling ibinenta ng 3rd POGO company ang biktima sa halagang 30,000RMB sa ipang POGO company na 3+7 na may office address sa Pearl Marina Plaza, Pacific Avenue, Parañaque City.
Dito na nagkaroon ng duda ang security personnel kaya agad na nakipag-ugnayan sa PNP- AKG kung saan na-rescue ang biktima.