Top 1 most wanted sa Eastern Visayas natimbog sa Taguig

MANILA, Philippines — Matapos ang pitong taong pagtatago sa batas, nasakote na ng pulisya ang top 1 most wan­ted criminal sa Eastern Visayas sa isinagawang pagsalakay sa hideout nito sa Brgy. Central Bicutan, Taguig City nitong Biyernes.

Sa ulat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/ Major Gen. Vicente Danao Jr., kay PNP chief P/General Debold Sinas, ang nasabing most wanted na kriminal ay sangkot sa carnapping at pagpatay.

Kinilala ni Sinas ang suspect na si Rowegie Anlio alyas Egie, 32, na nahuli sa pinagtataguan nito sa Block 26, Lot 10, Central Bicutan, Taguig City.

Ang suspect ay nasakote ng pinagsanib na elemento ng Regio­nal Special Operations Group-Regional Intelligence Division, NCRPO Regional Intelligence Unit-NCR, Regional Intelligence Division-PRO (Police Regional Office) 8 at Regional Highway Patrol Unit-8.

Sa rekord ng pulisya, si Anlio ay nakatala bilang most wanted na kriminal sa Eastern Visayas Region dahil sa kasong murder, paglabag sa Republic Act (RA) 6539 o Anti-Carnapping Law noong Setyembre 11, 2014 at nagtago sa Taguig City upang takasan ang batas.

Walang inirekomendang piyansa si Presi­ding Judge Eligio Petilla, ng Branch 44, 8th Judicial Region sa Tacloban City, Leyte sa nadakip na wanted sa dalawang kasong kriminal na kinakaharap nito.— Ludy Bermudo

Show comments