Drive-thru testing centers sa Maynila, sarado muna

MANILA, Philippines — Pansamantalang isinara ngayong Miyerkules ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang mga drive-thru at walk-in COVID-19 serology testing centers sa siyudad upang bigyang-daan ang Kapaskuhan. Ayon sa Manila Public Information Office, uumpisahan ang pagsasara ngayong Disyembre 23 upang bigyang daan ang holiday break.

Muli itong bubuksan sa Disyembre 28 hanggang Disyembre 30 at isasara muli sa Disyembre 31 hanggang Enero 3. Sa Enero 4 na muling regular na bubuksan ang mga libreng testing centers. Nabatid na daan-daang motorista ang nagpapa-test sa naturang drive thru na tinatanggap lahat kahit hindi residente ng Maynila.

Sa abiso pa ng Manila PIO, isasara rin muna ang walk-in testing sa Ospital ng Tondo, Ospital ng Sampaloc, at Ospital ng Maynila.

Show comments