MANILA, Philippines — Nasa 500 tricycle drivers at displaced workers na naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang tumanggap ng tulong mula sa pamahalaang lokal ng Muntinlupa City kasabay ng paglulunsad ng kanilang “Deliver to Recover Program” katuwang ang Grab Philippines kahapon.
Pinangunahan ni Mayor Jaime Fresnedi ang launching event at turn-over ceremony sa pamamahagi ng packages sa first batch ng mga beneficiaries, kasama sina Congressman Ruffy Biazon at Grab Philippines executives Jackson Tan at Jeanine Tadique.
Magkatuwang ang lokal na pamahalaan at Grab para sa pagrerehistro ng 500 residente na nawalan ng mapagkakakitaan. Kabilang dito ang mga nagbalik sa bansa na mga OFWs na nagparehistro para sa Grab Food at Grab Express Delivery service.
Nasa P7,500 na halaga ang package na kinabibilangan ng Grab uniforms, food insulated box, P2,500 na halaga ng e-wallet credit, at P2,500 cash assistance bilang panimulang kapital, na ipinamahagi sa bawat isang benepisyaryo, bukod sa pagtulong sa kanila na makapagparehistro sa delivery service company.