Trader tiklo sa illegal refilling ng LPG
MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang tiwaling negosyante makaraang ireklamo ng illegal refilling, marketing at distribusyon ng Liquified Petroleum Gas (LPG) sa entrapment operation sa Valenzuela City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Valenzuela City Police Chief P/Col. Fernando Ortega ang nasakoteng suspect na si Steven Joe Gervacio Lucas, 25, may-ari ng Marben Trading at residente ng Malanday sa nabanggit na lungsod.
Base sa imbestigasyon, dumulog sa Valenzuela City Police ang kinatawan ng Petron Corporation at Isla Petroleum & Gas Corporation na si Celestino Molina Foronda, 51, Brand Protection Agent at inireklamo ang suspect hinggil sa illegal refilling, marketing at distribution ng kanilang produkto.
Agad namang pinakilos ni Ortega ang mga operatiba ng Station Intelligence Branch (SIB) ng Valenzuela City Police para magsagawa ng entrapment operation laban sa suspect sa tindahan nito sa kahabaan Km 17, Mac Arthur Highway.
Bandang alas -3:15 ng hapon ng isagawa ang entrapment operation kung saan nakipag-deal ang mga poseur buyer na sina Joelito Villaseñor at Gilbert Soriano na bumili sa suspect ng tig-isang 11 kilogram ng LPG Petron Gasul tank at Solane gas tank. Ang suspect ay inaresto sa aktong tinatanggap ang marked money na nagsilbing hudyat sa mga operatiba upang posasan na ito.
- Latest