Lalaki timbog sa ‘sextortion’

Sa ulat ng Sta. Cruz Police Station 3, nakipag-ugnayan sa kanila ang mga tauhan ng PNP Region 4A ukol sa pagbabanta ng suspek sa biktimang itinago sa pangalang si Liza, ng Brgy. Tibag, Calamba City.
STAR/ File

MANILA, Philippines  — Isang 23-anyos na lalaki ang dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa isang entrapment operation kamakalawa ng tanghali sa Quiapo, Maynila makaraang pagbantaan ang isang babae na ikakalat sa internet ang kaniyang mga hubad na larawan at video. Kinilala ang suspek na si Boyet Rondina, obrero, pansamantalang nanunuluyan sa High Infinity One sa Oscariz Street, Quiapo, Maynila.

Sa ulat ng Sta. Cruz Police Station 3, nakipag-ugnayan sa kanila ang mga tauhan ng PNP Region 4A ukol sa pagbabanta ng suspek sa biktimang itinago sa pangalang si Liza, ng Brgy. Tibag, Calamba City.

Ayon sa biktima, pinagbantaan siya ng suspek na ikakalat sa social media ang kaniyang mga hubad na larawan at video kung hindi makikipagkita sa kaniya at makikipagtalik.

Dito ikinasa ng mga pulis ang entrapment operation kung saan nakipagkita ang biktima sa suspek sa isang fastfood restaurant sa may Quinta Market dakong alas-12 ng tanghali. Dito na inaresto ng mga pulis ang suspek nang magbigay ng hudyat ang biktima.

Nakaditine ngayon sa Sta. Cruz Police Station custodial jail ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act) at Article 286 ng Revised Penal Code (Grave Coercion).

Show comments