Ospital ng Tondo, pansamantalang isasara

Sinabi ni Moreno na inaprubahan na niya ang kahilingan ng pamu­nuan ng Ospital ng Tondo para sa 10 araw na pansaman­talang pagpapasara nito upang bigyang-daan din ang sanitasyon at mapagpahinga ang mga medical staff ng pagamutan.
Ospital ng Tondo - City of Manila/Facebook

32 health workers nagpositibo sa COVID-19

MANILA, Philippines — Ipinag-utos  ni Manila City Mayor Isko Moreno ang pansamantalang pagpapasara sa Ospital ng Tondo makaraang panibagong 32 medical healthworkers ang magpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Sinabi ni Moreno na inaprubahan na niya ang kahilingan ng pamu­nuan ng Ospital ng Tondo para sa 10 araw na pansaman­talang pagpapasara nito upang bigyang-daan din ang sanitasyon at mapagpahinga ang mga medical staff ng pagamutan.

Ang kahilingan ay mula kay hospital director Dra. Myrna Lacson-Paloma na inaasahang uumpisahan nang ipinatupad kahapon.

“So para maka-relax, ma-ease the burden na ang pasyente ay doktor na rin, pasyente ay nurse na rin at mabigyan sila ng panahon na makareko-ber at makapagpahinga na rin,” ayon sa alkalde.

Tiniyak naman ng pagamutan na patuloy na makatatanggap ng medical care ang mga pasyente na naka-confine doon kabilang ang mga maysakit ng COVID-19 ngunit hindi muna tatanggap ng mga bagong pasyente.

Tanging mga emergency cases ang tatanggapin sa pagamutan habang ang iba ay ire-refer na lamang sa iba pang pampublikong pagamutan sa lungsod.

Show comments