‘Katok-salisi’ aktibo sa Maynila

MANILA, Philippines — Iniutos kahapon ni Manila Police District (MPD) Director P/Brig.General Rolando Miranda ang pagtugis sa grupo ng ‘Katok-Salisi’ Gang na nambibiktima sa mga motorista.

Ang grupo umano ay may apat hanggang limang mi­yembro na magkakasama sa isang sasakyan at dalawa sa gilid ng sasakyan ng biktima, isa ang kakatok sa passenger window at sasabihan ang diver na naiwan niya sa tail gate ang susi.

Sa oras na puntahan ng solong motorista ang tail gate ay saka naman sasalisi ang dalawa sa suspek upang tangayin ang bago o iba pang mahalagang gamit sa nasabing sasakyan, habang ang dalawa pang look-out ang pagpapasahan ng nakulimbat bago magsisitakas sakay ng isang van.

Nag-ugat ito sa reklamo ng isang 42-anyos na biktimang si Venus Baldisimo, general manager ng di binanggit na kompanya at residente ng Tondo na inihain sa MPD-Theft and Robbery Section.

Sa ulat, alas 10:45 ng umaga ng Hulyo 6, 2020 sa panulukan ng A. Soriano Avenue at Solana St., Intramuros, Maynila nang maganap ang insidente kung saan natangayan ang bktima ng nasa P300,000. halaga ng pera, gadgets   ng 5 lalaking suspek.

Kasasakay pa lang umano ng biktima sa kaniyang orange na Ford Ranger nang katukin ng isa sa suspek ang passenger window at sinabihan siya na may naiwan pang susi sa tail gate ng kaniyang pick-up.

Bumaba ang biktima at tiningnan ang likod ng sasakyan at wala namang susi na nakakabit at sa pagbalik sa driver’s seat ay wala na ang kaniyang bag.

Nakakuha din ng kopya ng closed circuit television (CCTV) footage ang pulisya hinggil sa insidente na nakitang tumakas ang mga suspek sakay ng puti na mitsubishi Adventure.

Nabatid na bukod sa reklamo ni Baldisimo, viral din ang katulad na insidente ng salisi at modus  sa dalawa pang lalaking motorista sa magkahiwalay na pangyayari.

Show comments