Bahay ng COVID ‘suspect’ pinadlock: 4 barangay Officials arestado
MANILA, Philippines — Apat na opisyal ng barangay kabilang ang dalawang kagawad ang nasampolan ng “Bayanihan to Heal As One Act” matapos silang maaresto dahil sa ginawang pag-padlock at pagkulong sa isang mister na suspected coronavirus disease 2019 (COVID-19) infected sa sariling bahay nito kasama ang kanyang pamilya sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat kay Manila Mayor Isko Moreno, nagtungo sa tanggapan ni Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) chief, P/Major Rosalino Ibay ang isang Jordan So at ibinunyag ang ginawang pag-padlock sa kaibigang si Irvin Sales, asawa nito, apat na anak na nagkakaedad ng 3, 10, 12 at 16 habang sila ay nasa loob ng kanilang tahanan.
Alas-3:30 ng hapon nang tunguhin ng grupo ni Ibay at Manila Police District-Station 4 commander, P/Lt. Colonel . John Guiagui, ang Malamig St., Sampaloc, kung saan naaresto sina Bgy. Kagawad Bobby Biason, 48, ng 1056 Malamig St.,; Brgy. Kagawad Marvin Simbahan, 27, ng 630 Batanes St.; Brgy Ex-O Ferdinand Gatdula, 56, ng 624 Batanes St. at Brgy. Tanod Epifanio Rempis, 49, ng 33 Malamig St.; pawang sa Brgy. 538, Zone 53, District IV, Balic-Balic, Sampaloc. Isa pang barangay tanod na si Jesus Dela Cruz ang hinahanap pa ng mga awtoridad.
Ani Ibay, lumabag sa City Ordinance No. 8624 (discriminating against a person suspected of having COVID-19) at arbitrary detention ng Article 124 ng Revised Penal Code at Republic Act 11469 o Bayanihan Heal As One Act.
Si Sales at pamilya nito ay ipinad-lock sa kanilang bahay ng nasabing mga brgy. officials upang hindi makalabas at umano’y makahawa dahil sa hininalang may COVID-19 ang nasabing padre-de-pamilya gayung dumaan na umano siya sa swab test at nag-negatibo sa virus.
Dahil dito, hinimok ni Moreno ang mga opisyal ng 896 barangay na dapat alamin ang tamang paraan sa paghawak ng kaso ng COVID-19 sa kanilang nasasakupan anuman ang kategorya, dahil sila ang dapat na manguna sa pagpapatupad ng ordinansa laban sa diskriminasyon sa virus carriers.
“We want a stop to all kinds of acts that discriminate against the suspect or recovered patients as well as health care workers who risk their very own lives and those of their loved ones fulfilling their duty to protect and care for all of us,” ani Moreno.
- Latest