Parak inaresto sa karnap na motorsiklo

Ebidensya ginamit na personal service

MARIKINA, Philippines — Isang pulis ang inaresto ng kaniyang mga kabaro nang matunton sa kaniya ang isang karnap na motorsiklo  na narekober sa isang anti-drugs operation na hindi niya idineklara sa report, sa isinagawang anti-carnapping operation ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Special Action Force at Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), sa Marikina, City, kamakalawa.

Sa ulat ng NCRPO, dakong alas-4:50 ng hapon kamakalawa nang dakpin at disarmahan si Pat. Orlando Estrella Perez, 43, nakatalaga sa Regional Drug Enforcement Unit ng NCRPO, sa kanyang bahay sa Kagitingan St.,Calumpang, Marikina City, kung saan nakumpiska ang itim na Mio Sporty na may plakang 1303-0575580.

Nag-ugat ang operasyon sa Intelligence Packet na ibinigay ng Intelligence Group na nagsasabing ginagamit ni Pat. Perez ang karnap na motorsiklo na nakumpiska umano mula sa isang anti-illegal drug operation sa Marikina City noong nakalipas na Abril 5. Sa halip na gawing ebidensya ang motorsiklo ay pinag-interesan ito.

Natuklasan na ang motorsiklo  na nasamsam ay iniuwi ng suspek sa kaniyang bahay at ginawang personal service vehicle.

Ayon pa sa ulat ng NCRPO, si  Perez ay napag-alamang kabilang sa ‘remnants’ ng NCRPO personnel na pinagdudahan sangkot sa ‘hulidap system’ bagamat hindi umano naisali sa report.

Dati umanong nakadestino si Perez sa SDEU ng Marikina City Police Station at naging tauhan ni P/Lieutenant Elmer Rigonan na nahulihan ng 17 gramo ng shabu na ibinawas sa recovered 30 grams sa joint RDEU at  Marikina City Police Station Anti-Drug Operation noong Abril 6, 2020 kaya’t nasibak ang grupo nito.

Dahil sa pangyayari, lahat ng tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit ay nasibak at inilipat sa NCRPO Units at isinailalim din agad sa drug test.

Show comments