Liquor ban opisyal nang ipinatupad sa Maynila

MANILA, Philippines — Pormal nang ipinatupad sa lungsod ng Maynila ang ‘liquor ban’ makaraang ma­ging epektibo na ang ina­prubahang ordinansa para sa pansamantalang ban sa mga ‘alcoholic drinks’ ngayong panahon ng ‘enhanced community quarantine (ECQ)’.

Pinirmahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang exe­cutive order na nagsasaad na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta at distribusyon ng anumang nakakalasing na inumin tulad ng beer, alak at wine simula nitong Lunes.

Alinsunod ito sa General Welfare Clause na napapaloob sa Local Government Code of 1991 kung saan ang mga lokal na pamahalaan ay maaaring magpatupad ng mga emergency measures sa panahon ng krisis o kala­midad.

Ito rin ay makaraang ikinadismaya ng alkalde ang patuloy na paglabag ng ilan sa social distancing at sa curfew na ipinapatupad ng  lungsod dahil sa mga ulat ng pagtitipon at inuman sa labas ng tahanan. 

Mahigpit din n’yang ipinagbibilin sa lahat ng mga negosyante na ang lahat ng lalabag sa liquor ban ng lungsod ay may kakahara­ping karampatang parusa.

“Ipinagbabawal na po at binabawi pansamantala ang pribilehiyo sa mga tindahan na nagtitinda ng alak. Hindi na po kayo pwede magtinda ng alak. Any violation shall lead to the revocation of Mayor’s and Business Permit,” babala ni Domagoso.

“Kahapon may mga la­sing, may mga nagka-karaoke pa, tambay sa kalsada, nagpaparty-party pa. Nga­yon, para wala na kayong dahilan para makahanap ng alak,” aniya.

Show comments