7 jeepney driver positibo sa droga
Sa surprise drug test
MANILA, Philippines — Pitong jeepney driver ang inisyal na nadiskubreng positibo sa ilegal na droga sa ikinasang sorpresang operasyon ng Land Transportation Office (LTO) atMakati City Police kahapon sa naturang lungsod.
Unang isinagawa ang operasyon sa implementasyon ng Republic Act 10856 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act sa may JP Rizal Street at Pasong Tamo Avenue.
Kasama rin sa operasyon ang Makati Anti-Drug Abuse Council, PNP-Highway Patrol Group, at Makati Public Safety Division.
Inisyal na 58 tsuper ang pinara at isinailalim sa drug test na nagresulta ng pitong positibo. Kinilala ang mga inaresto na sina Jimmy Fontanilla, Rogelio Amazona, Jessie Daep, Nelson Lumanta, Ryan Gara, Enrico Lacarto, at Joel Ayes.
Nagkasa rin ng parehong operasyon sa ruta ng Guadalupe- Leon Guinto, Taft at sa Kalayaan Avenue sa tapat ng Makati Science High School kung saan 23 tsuper ng jeep at UV Express ang sumailalim sa drug test.
“This is a pro active intervention para hindi na mangyari uli ang disgrasya na nangyari last Feb 12 . And to assure the safety ng lahat ng sumasakay at mga tao na nasa kalye,” ayon kay Makati City Police chief, Col. Rogelio Simon kaugnay ng naganap na pag-araro ng isang jeep sa isang grupo ng mga mag-aaral na ikinasawi ng isa.
Nilinaw ni Simon na isasailalim pa sa ikalawang drug test ang mga inisyal na nagpositibo ngunit sasampahan na agad sila ng kaso sa korte.
- Latest