Bus ng 11 SEAG delegates, naaksidente

PASAY CITY, Philippines — Nasangkot sa aksidente ang bus na sinasakyan ng nasa 11 delegado buhat sa Myanmar para sa Southeast Asian Games (SEAG) habang bumibiyahe ito patungo sa kanilang ‘billeting area’, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Sa ulat ng Pasay City Police, alas-8:00 ng gabi nang maganap ang aksidente sa may kanto ng NAIA Road at Chapel Road sa Brgy. 195 ng naturang lungsod.

Nabatid na sakay ang mga Myanmar delegates ng service nilang shuttle bus na may plakang TXS 539 nang makabanggaan ang isang Mitsubishi L300 van na may plakang DRT 162.

Nang rumesponde ang mga tauhan ng Pasay City Police, naabutan nila na inililipat na ang mga delegado sa isa pang shuttle bus.

Wala namang naiulat na nasaktan sa mga delegado sa naturang insidente.

Napag-alaman din na nagkaroon na ng pag-aayos sa pagitan ng tsuper ng pribadong behikulo na nasangkot sa insidente at ng operator ng shuttle bus.

Show comments