Si PMSgt. Anthony Lacson
Pulis - Quezon City patay sa ratrat ng tandem
Mer Layson (Pilipino Star Ngayon) - August 19, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines — Isang alagad ng batas ang pinaslang ng ‘di pa natutukoy na riding-in-tandem matapos pagbabarilin habang sakay ng kanyang motorsiklo na pauwi na sana sa kanyang pamilyang naghihintay, naganap ‘di kalayuan sa pinapasukang presinto sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Ang nasawing pulis ay kinilalang si PMSgt. Anthony Lacson, 40, nakatalaga bilang desk officer sa Anonas Police Station (PS-9) ng Quezon City Police District (QCPD), at residente ng 280 Twinville, Brgy. Manuyo 1 Las Piñas City.

Agad namang binuo ng QCPD ang “Special Investigation Task Group (SITG) Lacson” na pamumunuan ni Deputy District Director for Operations P/Col Enrico Vargas, kasama ang siyam pang miyembro nito upang agad na madakip ang mga tumakas na suspek na sakay ng isang itim na Yamaha NMAX motorcycle, na for registration ang plaka. 

Nabatid na ang suspek na nagmamaneho ng motorsiklo ay inilarawang nasa 5’6” ang taas, medium built, nakasuot ng itim na jacket, maong pants at itim na helmet, habang ang back rider nito, na siyang bumaril sa biktima ay nasa 5’7” ang taas, medium built, nakasuot ng itim na jacket, maong pants at puting helmet.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6:00 ng gabi, kakaalis pa lamang ng biktima sa pinapasukang presinto nang maganap ang krimen sa Anonas Rd, kanto ng Pajo St., Brgy. Quirino 2A, Project 2, sa naturang lungsod.

Sakay ng kanyang Mio motorcycle ang biktima at pauwi na sana ng kanilang tahanan nang lingid sa kanyang kaalaman ay nakabuntot na pala ang mga walang kaluluwang gunmen at nang pagsapit sa nasabing lugar ay walang patumanggang ilang beses na pinaputukan si Lacson hanggang sa duguang humandusay sa kalsada.

Nang matiyak na napuruhan ang biktima ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman ang biktima sa Quirino Memorial Medical Center ngunit idineklara na ring dead-on-arrival ng mga doktor.

Sinabi naman ni QCPD director P/Brigadier Gene­ral Joselito T. Esquivel Jr. na hindi sila titigil hangga’t hindi naaresto at napapanagot sa batas ang mga kriminal.

“Hindi kami titigil sa pagtugis ng salarin. Umaasa tayo na makikilala agad ang suspek at mahuli sa lalong madaling panahon.” ani Esquivel.

ANTHONY LACSON
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with