‘No parking zone’ sa San Juan, Ipinatupad

Mismong si San Juan Mayor Francis Zamora ang nanguna sa pagsisimula ng implementasyon ng kanyang executive order na nagbabawal na gawing paradahan ang ilang kalsada sa Brgy. Greenhills, San Juan City.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Ipinatupad kahapon ng local government ng San Juan ang ‘no parking zone’ sa ilang kalsada sa lungsod.

Mismong si San Juan Mayor Francis Zamora ang nanguna  sa pagsisimula ng implementasyon ng kanyang executive order na nagbabawal na gawing paradahan ang ilang kalsada sa Brgy.  Greenhills, San Juan City.

Nais matiyak ng alkalde na istriktong maipatutupad ang Executive Order No. FMZ-004 na nagdedeklara nang ‘no parking zones’ ang magkabilang bahagi ng ilang kalsada sa naturang barangay mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas- 9:00 ng gabi.

Alinsunod sa natu­rang EO, kabilang sa mga kalsada na hindi na maaaring pagparadahan sa mga nasabing oras ay ang Club Filipino Avenue, na bahagi ng Route 9 ng Metro Manila Development Autho­rity (MMDA) Mabuhay Lane; Annapolis Street, mula sa Eisenhower Street hanggang sa kanto ng Missouri Street at ang Connecticut Street, mula sa Missouri Street hanggang sa kanto ng Ortigas Avenue, na binubuo ng Route 10 ng MMDA Mabuhay Lane.

Kaugnay nito, inatasan rin ng alkalde ang Traffic Management Parking Office at Traffic Police ng Brgy.  Greenhills na tiyaking istriktong maipatutupad ang naturang kautusan.

Binigyan din niya ng awtorisasyon ang mga ito na hulihin at isyuhan ng traffic citation tickets ang mga driver na lalabag sa mga probisyon ng kautusan at i-tow o hatakin ang mga behikulong makakasagabal sa daloy ng trapiko at sa mga naturang ‘’no par­king zones’ sa panahon ng prohibited period.

Show comments