Parak nabisto sa gunrunning, illegal drugs

Kinilala ni SPD Director, P/BGen. Eliseo Cruz ang nadakip na si P/SSgt. Nestor PJ Santos Jr., miyembro ng Taguig City Police. Sinibak na sa kanyang puwesto si Santos at inilipat sa kustodiya ng District Personnel and Management Unit (DPMU) kasama na ang kanyang immediate supervisor na si PLt. Jesus Badua dahil sa “command responsibility”.
File Photo

MANILA, Philippines — Isang tauhan ng Taguig City Police ang inaresto ng mga ope­ratiba ng Southern Police District (SPD) sa ginawang pagsalakay sa kanyang bahay na nagresulta ng pagkakadiskubre ng mga iligal na droga at sari-saring mga baril at bala, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni SPD Director, P/BGen. Eliseo Cruz ang nadakip na si P/SSgt. Nestor PJ Santos Jr., miyembro ng Taguig City Police.  Sinibak na sa kanyang puwesto si Santos at inilipat sa kustodiya ng District Personnel and Management Unit (DPMU) kasama na ang kanyang immediate supervisor na si PLt. Jesus Badua dahil sa “command responsibility”.

Sa ulat, nakatanggap ng mara­ming sumbong ang Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG)  sa kanilang hotlines ukol sa iligal na operasyon sa droga ni Santos na nakatalagang police driver sa Taguig City Police.

Nagsagawa ng case validation ang SPD hanggang sa makumpirma ang sumbong. Dito nagkasa ng operasyon  ang IMEG at ang District Drug Enforcement Unit (DDEU) dakong alas-8:55 ng gabi sa bahay ni Santos sa Brgy. Bagumbayan, Taguig habang armado ng search warrant na inilabas ni Judge Leili Cruz Suarez ng Regional Trial Court Branch 163.

Mismong si Santos ang tumanggap ng search warrant buhat sa kanyang mga kabaro.  Nadiskubre at nakumpiska sa loob ng kanyang bahay ang isang Colt cal. 45 na baril na may isang magazine at pitong bala, 11 piraso ng maliit na plastic sachet ng shabu, isang malaking plastic sachet ng shabu, 19 na aluminium foils, at iba pang paraphernalia.

Pinasalamatan ni Cruz ang mga taong nagsumbong sa IMEG ng iligal na operasyon ng kanilang tauhan. Nagbabala ang heneral sa mga police scalawags na tigilan na ang mga iligal na gawain at sumuko upang hindi na sila malagay sa kahihiyan.

Show comments