Banko sa Binondo, hinoldap ng 7 armado

Ang mga tauhan ng Manila Police District na agad na nagresponde matapos na maiulat ang naganap na panghoholdap sa isang banko sa Binondo, kahapon ng umaga.
Kuha ni Edd Gumban

MANILA, Philippines — Nilooban ng nasa pitong armadong kalalakihan ang isang sangay ng Metrobank bago pa lamang ito magbukas sa panulukan ng Sto. Cristo at CM Recto Avenue, Binondo, Maynila, kahapon ng umaga.

Sa inisyal na ulat, dakong alas -8:43 ng umaga nang pasukin ng mga suspek ang banko kung saan ipinasok ang mga empleyado sa isang silid, iginapos ang nakatalagang  security guard bago binuksan ang vault at tinangay ang hindi pa natutukoy na halaga ng pera.

Tinangay din umano ang closed circuit television (CCTV) ng mga suspek na nakakabit sa loob ng banko bago nagsitakas.

May impormasyon na dalawang naka-unipormeng security guard ang nagmamadaling lumabas sa banko at tumakas umano sakay ng motorsiklo.

Agad namang naireport ang insidente sa Manila Police District-Station 11 at 2 minuto lang ay narespondehan agad ng Task Force Divisoria subalit naging hadlang sa imbestigasyon ang pagharang umano ng chief security dahil umano sa umiiral na  guidelines ng banko.

Umabot ng 2 oras o pasado alas -11:00 na ng umaga bago pa tuluyang nakapasok ang mga pulis sa loob ng banko nang dumating at umapela na si Manila Mayor Isko Moreno na papasukin ang mga pulis.

Agad  namang iniutos ni Manila Police District Director P/Brig. General Vicente Danao Jr. na magsagawa ng dragnet operations at mangalap ng mga ebidensiya kabilang ang mga CCTV sa mga katabing lugar at nakakasakop na barangay.

Nag-alok din ng P1-milyong pabuya si Moreno sa ikadarakip ng mga suspek.

Show comments