GF tinodas ng BF sa inuman

MANILA, Philippines — Patay ang isang babae nang ataduhin ng saksak ng kanyang kasintahan makaraang magtalo sa kalagitnaan ng inuman kasama ang isa pa sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Ang biktima ay kinilala sa alyas lang na “Angel”, nasa edad 25-30.

Tinutugis naman ng mga otoridad ang tumakas na suspek na si Philip Bangalisan, tubong Masbate at stay-in caretaker sa isang ginagawang gusali sa No. 16 Engineer St., malapit sa kanto ng Benefits, Brgy. Sangandaan.

Ayon sa salaysay sa mga otoridad ng isang kasama sa inuman na si Dindo Cilla, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang iwan na niya ang magkasintahan sa inuman at makalipas ang ilang sandali ay narinig nitong nagtatalo ang dalawa subalit hindi na umano ito pinakialaman ni Cilla at natulog na siya dahil medyo lasing na rin umano siya.

Dakong alas-3:50 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang pulisya mula sa isang Nhoril Guinat hinggil sa pagkakadiskubre nito sa duguang bangkay ng babae sa tapat ng nasabing gusali na tadtad ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Agad namang rumesponde ang mga pulis sa lugar kung saan dito ay natagpuan ang biktima at ang isang kutsilyo na may habang 10 inches at may bahid ng dugo na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay sa biktima.

Show comments