Pag-ban sa mga puting taxi sa NAIA, balak ipatupad

Pahayag ito kahapon ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal.
Rudy Santos

MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport  (NAIA) ang permanenteng pag-ban ng puting taxi sa naturang paliparan.

Pahayag ito kahapon ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal. 

“Pag po tumuluy-tuloy, isusunod ko po iyung terminal 2 and terminal 4,” ayon kay Monreal.

Nabatid na dalawang linggong ipatutupad ang trial ban laban  sa mga puting  taxi sa NAIA Terminal 1, na nagsimula noong Lunes.

“Medyo mayroon lang akong pag-aatubili sa terminal 3 sa laki po ng volume nang umaalis at dumarating, baka hindi po kayanin ng mga transportation concessionaires,” sabi pa ni Monreal.

Ang naturang hakbangin ay isinagawa matapos na maaresto ang isang taxi driver nang biktimahin nito ang dalawang dayuhan na kanyang kinontrata.

Sa kabila ng koordinasyon ng MIAA sa mga dayuhang nabiktima, nag-aatubili ang mga itong magsampa ng pormal na reklamo laban sa taxi driver.

Show comments