4 gunrunner tiklo sa entrapment

MANILA, Philippines — Tiklo ang apat na sinasabing kilabot na gunrunner matapos masakote ng mga otoridad sa isinagawang entrapment operation, kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 10591 o Selling of Illegal Firearms Ammunition, Omnibus Elections Code of the Philippines at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na sina Eduardo Onde, alyas “Toto”, 35; si Ronald Salo, alyas “Osoy”, 31, kapwa nakatira sa Market 3, Brgy. NBBN; Joana Mae Cachero, alyas “Impang”, 24, ng Gov. Pascual Street, Brgy. Sipac Almasen, Navotas at isang 17-anyos na lalaki na itinago sa alyas na “Wilson”.

Sa ulat, dakong alas-9:00 ng gabi nang makabili ng 30 piraso ng bala para sa kalibre .40 baril kapalit ng marked money na P1,200 ang isang pulis na tumayong buyer sa mga suspek.

Dito ay sumenyas na ang buyer at saka lumantad ang mga pulis na nakapaligid sa lugar kaya hindi na nakapalag ang mga suspek.

Bukod sa mga bala, nakumpiska rin sa posesyon ng mga suspek ang limang plastic sachet na naglalaman ng shabu na hinihinalang ibinibenta rin ng grupo.

Show comments