Tricycle sinalpok ng kotse: 1 dedo, 4 sugatan

Kinilala ang nasawi na si Felix Patilagan, ng Agora Navotas City, driver ng tricycle, habang ginagamot pa sa Tondo Medical Center ang mga sugatang sina Rafael Santos, 32; Sherwin Caguco, 16; Simplicio Elcalma, 14, at Norberto Trogon.
KJ Rosales

MANILA, Philippines — Isa ang patay, habang  apat ang sugatan kabilang ang dalawang menor de edad nang tumbukin ng humaharurot na kotse  ang likurang bahagi ng tricycle na nagsisilbing delivery vehicle ng yelo, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang nasawi na si Felix Patilagan, ng Agora Navotas City, driver ng tricycle, habang ginagamot pa sa Tondo Medical Center  ang mga sugatang sina Rafael Santos, 32; Sherwin  Caguco, 16; Simplicio Elcalma, 14, at Norberto Trogon.

Nakapiit naman ang driver ng Toyota Vios na si Michael Russel Lopez, 25, ng Balut Tondo na sinasabing nakainom at mabilis ang pagpapatakbo.

Sa ulat mula kay Senior Insp. Jaime Gonzales ,deputy chief ng Vehicle Traffic  Investigation Section ng Manila District Traffic Enforcement Unit, dakong alas -5:30 ng madaling araw kahapon nang maganap ang insidente sa panulukan ng H. Lopez Blvd. at San Raphael  St. sa Tondo.

Mabilis umano ang takbo ng kotse kung saan nabundol nito  ang hulihang bahagi ng tricycle hanggang sa ma­damay pa ang nakaparadang Honda Click at iba pang tricycle maging ang nakatayo lamang na si Santos.

Show comments