2 holdaper kumasa sa aresto, todas

Gayunman sa halip na sumuko ay naki-pagbarilan pa ang mga suspect sa mga operatiba na ikinasawi ng mga ito.

MANILA, Philippines — Dalawang pinaniniwalaang holdaper ang nasawi matapos na kumasa sa mga tauhan  ng pulisya sa naganap na shootout sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City kahapon  ng madaling araw.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. isa sa mga suspect ang inilarawan na nasa pagitan ng 25-30 anyos, nakasuot ng kulay itim na jacket, berdeng t-shirt, kulay itim na short at sombrero at kulay itim na mask, samantalang ang isa pa ay tinatayang nasa pagitan ng 30-35 anyos, nakasuot ng kulay itim na jacket, asul na t-shirt at cargo short pants.

Bandang alas-12:45 ng madaling araw, ayon sa opisyal nang holdapin ng mga suspect ang tatlong biktima na natangayan ng mga cellphones at cash sa 3K Gen. Merchandise na nasa Brgy. Holy Spirit sa lungsod.

Agad namang inireport ng mga biktima ang insidente sa pulisya na mabilis  na nagresponde na nakabarilan ang mga papatakas na suspect na nakorner sa kahabaan AFP Road, Brgy. Holy Spirit ng lungsod.

Gayunman sa halip na sumuko ay naki-pagbarilan pa ang mga suspect sa mga operatiba na ikinasawi ng mga ito.

Samantalang positibo namang kinilala ng mga biktima ang mga suspect na nangholdap sa kanila.

Show comments