Dawit sa p100-m shabu lab
MANILA, Philippines — “Not guilty plea” ang inihain kahapon sa Makati City Regional Trial Court (RTC) ng dating regional director ng National Bureau of Investigation, Central Mindanao Regional Office (NBI-CEMRO) matapos itong maharap sa kasong pakikipagsabwatan umano sa droga nang madiskubre ang isang mega shabu laboratory.
Nabatid na nitong Setyembre pa nakulong sa Makati City Jail si Atty. Augusto Eric Isidoro na naghain ng “not guilty plea” sa Makati City RTC, Branch 62 ala-1:00 ng hapon kahapon.
Base sa record ng korte, nadiskubre ng mga awtoridad ang isang mega shabu laboratory hanggang sa nakakumpiska ay nasa P100 milyong shabu sa Virac, Catanduanes noong 2016.
Ang naturang pasilidad ay pag-aari umano ng isang Sarah Sarmiento, na inuupahan naman ng isang Agelica Balmadrid, na common law wife umano ni Isidoro.
Nabatid na si Isidoro ay nahaharap sa kasong “conspiracy to manufacture illegal drugs” kasama ang iba pang akusado na nakakalaya pa rin hanggang sa ngayon na sina Xian Xian Wang; Pido Bonito; Paolo Uy; Jayson Uy; Paolo Palisoc, Phung Yuan Estorco at Sheng Wang.
Kasama rin sa naaresto si Lorenzo Piñera II at kapwa sila nakakulong ni Isidoro sa Makati City Jail.
Ayon ito kay Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera, head ng Department of Justice (DOJ) Task Force on Illegal Drugs Cases.