42 bagong aircon ng MRT-3, dumating na

Ayon sa pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) magiging kumbin­yente na ang biyahe ng mga pasahero ng MRT-3 sa oras na mailagay na ang mga bagong aircon.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Makakatikim na rin ng ginhawa sa biya­he ang mga mananakay ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) makaraang dumating na sa bansa ang 42 brand new aircondition units (ACUs) na inangkat pa mula sa ibang bansa.

Ayon sa pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) magiging kumbin­yente na ang biyahe ng mga pasahero ng MRT-3 sa oras na mailagay na ang mga bagong aircon.

Magkasunod na tig-21 ACUs ang duma-ting noong Sabado at kahapon na ipinaskil pa ng DOTr sa kanilang social media account para sa kaalaman ng publiko.

Ayon sa DOTr, ang mga naturang ACUs ay sisimulan nang ikabit sa bawat bagon ng MRT-3 sa susunod na linggo upang lumamig ang temperatura sa mga tren at maging mas kumportable sa kanilang biyahe ang mga pasahero.

Samantala, nabatid na 78 na bagong ACUs ang kabuuang binili ng DOTr na inaasahan namang made-deliver sa bansa ang nalalabi pang 36 units bago matapos ang taong ito.

Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Ave­nue, Pasay City at vice versa.

Show comments