MANILA, Philippines — Alinsunod sa adbokasiya ng Quezon City na maging ‹child-friendly city›, hinikayat ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang mga magulang na kontrahin at labanan ang mga kaso ng child pornography.
Sa kanyang pakikipag- usap sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) , hinimok ni Belmonte ang mga magulang na maging mapagmasid sa maaaring paggamit ng internet sa pagbabahagi ng mga kalaswaan sa hanay ng mga menor de edad.
Anya, isa sa dahilan ng pagtaas ng kaso ng child pornography sa QC ay ang kakulangan sa kaalaman ng mga magulang tungkol sa epekto ng pornography sa mga bata.
“Sa mga mahihirap na pamilya, nagiging debate ang child pornography dahil may mga nagtatanong kung bakit mali ang cyber pornography. Hindi naman daw ginagalaw ang bata ng pedophile dahil kumikilos lang naman ang bata sa harap ng camera,” ani Belmonte.
“Kailangan nating alalahanin na, kahit na hindi ginagalaw ang mga bata, hindi pa rin karapat-dapat ang ipinapagawa ng mga pedophile sa mga batang ito. Akala ng mga magulang na wala itong epekto sa mga bata, pero ito ay malaking bagay na nagdudulot ng trauma sa kabataan”, dagdag ni Belmonte.
Anya, ilang mga internet cafe at call center sa QC ang nahuli na sa aktong gumagamit ng mga bata sa mga krimeng may kinalaman sa cybersex.
Bagama’t ginagawa ng pulisya ang makakaya para wakasan ang child pornography, malaki pa rin ang maitutulong ng mga magulang at pamilya sa pagiging mapagmasid at mapangalagaan sa pag iwas dito.
Una nang pinangunahan ni Belmonte ang pagpasa ng Ordinance No. 2163 noong 2012 na naghihigpit sa operasyon ng mga internet cafe o computer rental at gaming shops na nagbibigay ng access sa mga iligal at pornographic websites at pagsumbong sa mga awtoridad ng mga posibleng iligal na gawain sa loob ng kanilang establisimento.