Police ops: 152 dakip, P2-M shabu samsam

Tinitignan ni NCRPO Chief Guillermo Eleazar ang nasa 150 katao na nadakip sa ikinasang simultaneous police operation sa nakalipas na magdamag sa ibat-ibang lugar ng Southern Metro Manila kung saan nakakumpiska ng mahigit sa P2-milyong halaga ng shabu at P200-libong halaga ng marijuana ang mga otoridad mula sa mga suspek.
Kuha ni KJ Rosales

MANILA, Philippines — Arestado ng mga otoridad ang nasa 152 katao kabilang ang isang mag-asawang sangkot sa droga at ‘number 7 most wanted personality’ habang nakakumpiska ng mahigit sa P2-milyong halaga ng shabu at P200-libong halaga ng marijuana sa isina­gawang simultaneous police operation sa nakalipas na magdamag sa ibat-ibang lugar ng Southern Metro Manila.

Alas-11:00 kahapon ng umaga nang iprinisinta nina National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Guillermo Eleazar at Southern Police District (SPD) Director Senior Supt. Eliseo Cruz ang mga nadakip na suspek na may ibat-ibang kaso sa area ng Pateros, Taguig, Las Piñas, Pasay, Muntinlupa, Parañaque at Makati City.

Ang mga nadakip na suspek ay pawang sangkot sa droga, nahulihan ng patalim, baril at mga wanted perso­nalities.

Nagsagawa ng operas­yon ang mga pulis mula alas-8:00 ng umaga Biyernes hanggang kahapon Sabado, alas-8:00 ng umaga. 

Nakumpiska ng mga pulis mula sa mga suspek ang mahigit sa P2-milyong halaga ng shabu at P200-libong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Samantala, ala-1:57 kahapon ng umaga ay nadakip ng mga tauhan ng Taguig City Police ang mag-­asawang suspek na sina Maria Imelda Patalinhug, 30 at Gilbert Patalinhug, 32 sa bahay nito sa  Banama St.,  Purok 3, Brgy. New Lower Bicutan.

Ito’y matapos na makatanggap ng report na ginagawa umanong drug den ng mag-asawa ang kanilang tahanan.

Nakumpiska sa mag-asawang Patalinhug ang 10 pakete ng umano’y shabu na may timbang na 50 gramo at drug pharaphernalias.

Nakapiit ang mga suspek sa detention cell ng Taguig City Police at sasampahan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165.

Show comments