Sastre, nahulog sa bus, nasagasaan pa, todas

Ang biktima ay nakilalang si Edgardo Rit, 53, residente ng Phase 3, Area B, Payatas, Quezon City.
File Photo

MANILA, Philippines — Todas ang isang sastre matapos mahulog sa sinakyang pampasaherong bus at masagasaan pa ng naturang sasakyan sa Mandaluyong City, kamakalawa.

Ang biktima ay nakilalang si Edgardo Rit, 53,  residente ng Phase 3, Area B, Payatas, Quezon City.

Naisugod pa sa Victor R. Potenciano Hospital ang biktima ngunit nasawi rin bunsod ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Huli naman ang driver ng bus na si Jovito Gabieta, 46, at residente ng Rodriguez, Rizal.

Sa imbestigasyon ni SP03 Albert Fontanilla ng Mandaluyong City Police Station, nabatid  na dakong alas-4:10 ng hapon kamakalawa nang maganap ang aksidente sa northbound lane ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA), ilalim ng MRT- Boni Station, sa Mandaluyong City.

Sinasabing sumakay ang biktima sa Phillipian Bus Liner Inc., na may plate number na AEL-589, at minamaneho ni Gabieta. 

Pag-akyat umano ng biktima ay nadulas ang paa nito at tuluyang nahulog sa behikulo na siyang dahilan  upang masagasaan ng hulihang kanang gulong ng bus sa kanyang kanang hita.

Mabilis namang isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor dakong alas-5:15 ng hapon.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng bus na si Gabriel.

Show comments