Holdaper con karnaper, dedo sa shootout
MANILA, Philippines — Patay ang isang holdaper na karnaper ng motorsiklo matapos itong makipagbarilan sa mga pulis kahapon ng madaling araw sa Parañaque City.
Namatay noon din ang hindi pa nakikilalang suspect sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan. Ang kasabwat naman nito ay hinahanting na rin ng mga pulis.
Ayon sa tanggapan ni Parañaque City chief of police, Sr. Supt. Victor Rosete, naganap ang insidente ala-1:45 kahapon ng madaling araw.
Sakay ang suspect at ang kasabwat nito ng isang motorsiklong walang plaka at habang binabaybay nila ang Poblete Compound ng naturang lugar ay namataan ng mga ito ang isang motorsiklo na minamaneho ng lady guard na si Reah Jornadal, 23, nakatira sa Teresa, Brgy.Bagong Bayan, Taguig City at binabagtas din nito ang naturang lugar.
Naglabas ng baril ang mga suspect, tinutukan nila si Jornadal at nagdeklara ng holdap.
Dito na nila tinangay ang bag ng biktima maging ang motorsiklo nito.
Nagsisigaw ang biktima na humihingi ng tulong at tiyempo namang nagpapatrolya sina PO1s Mark John Fontehon; Francisco Bula at John Mark Oloa, nakatalaga sa Parañaque City Police at kaagad na rumesponde ang mga ito.
Dito na nakipagbarilan ang mga suspect sa mga pulis hanggang sa nagkaroon pa ng habulan at pagsapit ng West Service Road, Brgy, Sun Valley ay dito bumulagta ang nasabing suspect habang mabilis na tumakas ang kasabwat nito.
Nasamsam din sa pinangyarihan ng insidente ang gamit na motorsiklo ng nasawing suspect, 4 na plastic sachets ng shabu at kalibre .38 paltik.
- Latest