Budget ng mga barangay babawiin, kung hindi masosolusyunan ang problema sa basura

MANILA, Philippines — Babawian ng budget ni Manila Mayor Joseph Estrada ang mga barangay na mabibigong lutasin ang problema ng basura  sa kani- kanilang mga lugar.

Kahapon ay personal na ininspeksyon ni Estrada ang kahabaan ng Road 10 kung saan puno ng basura ang center island.

Ayon kay Estrada, kaila­ngan na kumilos ang mga barangay officials dahil nasasakupan nila ang mga nagtatapon. Ipakukulong din ang mga nagkakariton na mahuhuling nagtatapon ng basura.

Nabatid na naging problema ang basura matapos na maantala ang mga barges na nagdadala ng basura dahil na rin sa bagyong nagdaan.

Ayon kay Estrada hanggang ngayon lamang ay malilinis na ang tambak ng basura hindi lamang sa Road 10 kundi sa iba pang lugar sa lungsod.

Sinabi naman ni Angie ng IPM na contractor ng basura 200 na trak ang kumokolekta ng araw araw subalit nagkaroon lamang ng problema sa barges. 

Kaugnay nito, kumasa naman si Bgy. Chairman Bryan Molina Mondejar ng  Bgry. 20 Zone 2  sa hamon ni Estrada na babawiin ang budget kung mabibigo na solusyunan ang basura sa kanyang barangay.

Paliwanag ni Mondejar, tama lamang iyon dahil  dito mapapatunayan kung nagtatrabaho  ang isang barangay official.

Show comments