Tensyon sumiklab sa demolisyon

Humarang habang hawak ang mga bote at bato ng mga residente sa Legaspi St. sa Intramuros, Manila kasabay sa isasagawa sanang demolisyon kahapon kung saan sumiklab ang tensyon.
Kuha ni Edd Gumban

MANILA, Philippines — Personal na pinahinto ni  Manila Mayor Joseph Estrada ang demolisyon sa kahabaan ng Legaspi St., malapit sa kanto ng Real Street sa Intramuros, Maynila kahapon ng tanghali.

Ayon kay Estrada kahit  pa may court order hindi maaaring  ituloy ang demolisyon hanggat walang relocation ang mga residente.

“Kung ang aso  binibigyan  ng tirahan tao pa kaya,” ani Erap.

Pinangangambahan kasing mauwi sa gulo o karahasan ang  demolisyon sa bahay ng mga informal settler na naninirahan sa Legaspi St.

Ang paggiba sa mga bahay ay sa bisa ng writ of demolition na inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 07 noon pang December 15, 2017 na tinatangkang maisakatuparan kahapon.

Salig ang writ of demolition sa desisyon ng Manila RTC noon pang September 16, 2010 na nagdedeklarang pag-aari ng LG Mathieson Development ang loteng kinatitirikan ng may 100 hanggang 300 bahay ng mga informal settler.

Nakasaad pa sa desisyon ng korte na  kinakailangan ding magbayad rin ang bawat residente na partido sa kaso ng tig P5,000 kada buwan magmula July 2008 bilang reasonable compensation dahil sa pag-okupa nila sa property nitong LG Mathieson Devt.

Ilan pa nga sa mga bahay ay umabot na ng ika-apat hanggang ika-limang palapag.

Iniharang ng mga residente ang may pitong pedicab sa kanto ng Legaspi St. at itinagilid ang isang basketball ring sa gitna ng kalsada bilang pandagdag harang. Naghanda rin ang mga lalaking residente ng mga bote at tubo na gagamitin nila sakaling tuluyang umusad ang pwersa ng demolition team.

Bahagyang humupa ang tensyon nang bigyan ng sheriff ng karagdagang oras ang mga residente na nais maghakot at kusang lumisan sa kanilang mga bahay.

Pero alas-10:30 muling tumaas ang tensyon dahil yan oras ang ibinigay na ultimatum ng mga otoridad para tapusin ang paghahakot at simulan ang paggiba sa mga bahay.

Show comments