Guro patay sa ex-bf na pulis: Suspect nag-suicide

MANILA, Philippines — Kapwa wala nang buhay nang matagpuan ang isang guro at kanyang dating nob­yong pulis na parehong may tama ng bala sa loob ng inuupahang apartment ng babae, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

Nakilala ang mga nasawi na sina Lyka Jane Arciaga, 27, dalaga, ng Ka­unlaran Village, Brgy. 22, Caloocan City; at si PO1 Danilo Roa, 29, binata, miyembro ng Caloocan City Police-Community Precinct 1, at naninirahan sa Jose Abad Santos Alley, Libis Espina Brgy. 18, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Caloocan City Police, alas-5:30 ng hapon nang puwersahang puma-sok si Roa sa apartment ni Arcia­ga. Makaraan ang ilang sandali, nakarinig ang mga residente ng sunud-sunod na putok ng baril sa loob ng naturang apartment unit at agad na humingi ng responde ng mga pulis sa pagtawag sa Emergency 911.

Rumesponde naman ang mga tauhan ng Police Community Precinct 2 na unang inakala na isang ‘hostage taking’ ang nangyayari.  Puwer­sahang pumasok ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics unit  sa apartment at dito nadiskubre ang mga duguang katawan nina Arciaga at Roa.

Sa inisyal na pagsusuri, nagtamo si Arciaga ng mga tama ng bala ng kalibre .9mm pistol sa kaliwang pisngi, kanang balikat, dibdib at leeg habang nagtamo ng tama ng bala sa kanang sentido si Roa.

Magkasunod namang nagtungo sa lugar ng krimen sina Caloocan City Mayor Oscar Malapitan at National Capital Regional Police Office P/Director Camilo Cascolan. Sinabi ni Malapitan na magbibigay ng tulong pinansyal ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa pamilya ni Arciaga para sa pagpapalibing sa biktima na nagsilbing pampublikong guro sa Kaunlaran Elementary School.

Sinabi naman ni Cascolan na base sa inisyal na imbestigasyon lumalabas na unang pinaslang ni Roa si Arciaga bago naman siya nagpatiwakal. Dating magkarelasyon sina Arciaga at Roa na nauwi sa hiwalayan. Nakikipagbalikan umano ang pulis sa babae na tumatanggi naman hanggang sa mauwi sa pangha-harass ng pulis kaya nagsampa ng kaso  sa PNP-Internal Affairs Service si Arciaga noong nakaraang Marso. 

Show comments