Walang pulis na namatay sa Dengvaxia vaccine –Bato

MANILA, Philippines — Walang nasawi  mula sa aabot sa 4,000 miyembro ng Philippine National Police (PNP) na naturukan ng kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.

Ito ang kinumpirma kahapon ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa para pasubalian ang report ng Public Attorney’s Office (PAO)  na posibleng sanhi ng Dengvaxia vaccine ang ikinasawi ng isang pulis QC.

Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Dela Rosa na ang nasabing pulis na hindi tinukoy ang pangalan na miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) Station 6 ay na­ma­tay sa leptospirosis at hindi tulad ng mga sapantaha na sa Dengvaxia vaccine ang sanhi ng pagpanaw nito.

Ang leptospirosis ay isang uri ng nakamamatay na sakit dulot ng ihi ng daga na karaniwang nakukuha sa paglusong sa baha.

Sa katunayan, ayon pa kay Dela Rosa ay hindi kabilang ang 50-anyos na nasawing pulis sa 4,000 nilang miyembro na naturukan ng Dengvaxia.

“Tinanong ko yung Direc­tor ng Health Service kung ito ba ay naturukan ng Deng­vaxia and according to her yung records wala daw, hindi kasama at hindi daw eligible for Dengvaxia vaccination dahil 50 years old na”, ani Dela Rosa na ipinaliwanag na 45-anyos pababa ang kuwalipikadong maturukan ng nasabing bakuna.

Ginawa ni Dela Rosa ang pahayag bilang reaksyon sa sinabi ni PAO forensics Chief Erwin Erfe na ipinarating sa publiko sa pamamagitan ng social media na posibleng namatay sa dengvaxia ang nasabing parak.

“Merong silang (PNP Health Service) findings na leptospirosis yung kina­matay, so far ‘yun lang ang pinanghawakan nating facts about the case,” pahayag ni Dela Rosa sa kaso ng na­sabing pulis na napaulat na binawian ng buhay noon pang Marso 3.

Samantalang ipinoste rin ni Erfe nitong Miyerkules sa facebook ang kaniyang larawan habang nakikipag-usap sa pamilya ng nasa-wing pulis na ipinaliliwanag nito na mahalaga talaga ang forensic analysis sa bangkay ng biktima para mabatid ang katotohanan sa posibleng pagkasawi nito sa dengvaxia.

Inihayag ni Erfe na sa inisyal na resulta ng forensic test sa  labi ng biktima ay nakita ang grabeng pagdurugo ng utak nito, baga, puso, atay at bato gayundin ng kaniyang mga bituka at iba pang lamang loob.

Idinagdag pa ni Dela Rosa na hindi nila kailangang pagtakpan kung sakaling may pulis mang masawi sa dengvaxia ay isasapubliko nila ito.

“Sa mga nagdududa na we are trying to hide something, trying to cover up huwag  kayo mag-isip ng ganun kasi by covering up we will gain nothing”, ayon pa kay Dela Rosa.

Related video:

Show comments