Top 3 ‘most wanted’ ng SPD huli
MANILA, Philippines — Nasakote ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) ang ikatlong “Most Wanted” na kriminal makaraang matunugan na nagtago sa isang bahay sa Taguig City kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang nadakip na si Arlo Labjata, alyas “Palos”, 23-anyos, miyembro ng Sputnik Gang. Nahaharap siya sa warrant of arrest buhat sa Taguig City Regional Trial Court sa dalawang kaso ng robbery hold-up.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling araw habang nagsasagawa ng “Oplan Galugad” ang pulisya sa pangunguna ni P/Sr. Insp. Romel Bulan nang makatanggap ng impormasyon sa isang asset na nakitulog sa isang bahay ang suspek sa may Zone 2 Brgy. Fort Bonifacio.
Dito na nagkasa ng operasyon ang mga pulis na armado ng warrant of arrest at pinaligiran ang naturang bahay kaya hindi na nakapalag ang suspek nang arestuhin.
Nabatid na bukod sa mga kinasangkutang pagnanakaw sa Taguig City, matunog rin ang pangalan ni Labjata sa mga pagnanakaw sa Makati at Pasay City.
Katuwiran ng suspek sa kanyang mga krimen, ginagawa lang umano niya ito upang tustusan ang pangangailangan ng kanyang dalawang anak dahil sa wala siyang alam na trabaho.
- Latest