24 LRVs ng LRT-1, ire-repair

MANILA, Philippines — Inaasahang lalong bubuti ang serbisyo sa mga pasahero ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) sa gagawing repair and rehabi­litation sa 24 na Light Rail Vehicles (LRVs).

Ayon sa pamunuan ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), nagkaroon na sila ng lagdaan sa pagitan ng mga Engineer at Industrial Company na Voith Digital Solution Austria, GmBH and CO. para sa P450 million agreement.

Ayon sa LRMC, ang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga LRVs ng LRT-1 ay magpapabilis pa sa travel time ng mga pasahero patungo sa kani-kanilang destinasyon.

Sinabi ni LRMC President and Chief Executive Officer Juan F. Alfonso, 24 na generation 2 LRVs ang kukumpunihin sa loob ng dalawang taon.

Ani Alfonso, ito ang kauna-unahang ‘overhaul’ ng Generation 2 LRVs simula ng mabili ang mga naturang bagon sa Hyundai and Adtranz Sweden noong 1999.

Inihayag pa ni Alfonso, kung sa ngayon ay maganda na ang serbisyo ng LRT-1 kumpara sa ibang mass transport system sa bansa ay lalo pa itong bubuti sa hinaharap. 

Ang LRT-1 ay bumibiyahe mula Roosevelt Avenue, Quezon City patungo ng Baclaran Parañaque City at vice versa.

Show comments