Driver na nagbebenta ng pekeng prangkisa, kalaboso

MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang 44-an­yos na driver nang ireklamo ng mag-asawang nabentahan niya ng pekeng prangkisa para sa linya ng UV Express nang arestuhin sa isinagawang entrapment operation kamakalawa ng hapon, sa isang mall sa Binondo, Maynila.

Kinilala ni Manila Police District-District Police Intelligence Operations Unit chief, Chief Inspector Rosalino Ibay ang suspek na si Anthony Perolina Breganza, may-asawa, residente ng Narra St., Gatcha­lian, Manuyo 2, Las Piñas City na nakatakdang sampahan ng reklamong estafa at falsification of public documents.

Sinabi ni Ibay na nagpunta sa kanilang tanggapan ang mag-asawang pansamantalang itinago ang pagkakilanlan, para ireklamo ang suspek matapos hindi umano ibalik sa kanila ang P60,000 na ibinayad nila sa UV Express Franchise documents.

Ito’y dahil naberipika sa Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) ng mag-asawa na peke ang dokumento ng prangkisa na ibinigay ng suspek.

Nagawa pang hanapin ng DPIOU sa pangunguna ni SPO1 Dennis Insierto ang orihinal na may-ari ng prangkisa na nagsabing hindi niya ibinebenta ang dokumento at prangkisa.

Dahil dito, tinawagan umano­ ang suspek ng mag-asawa su­balit ayaw na umanong ma­ki­pagkita at sumagot hanggang sa kamakalawa, Pebrero 23, 2018 ay nakumbinse ito na lumutang nang may magpanggap na bibili din ng prangkisa.

Alas-5:00 ng hapon nang ma­kipagkita sa parking lot ng Divisoria mall ang suspek at doon na siya inaresto at nasamsam mula sa kaniya ang mga pekeng prangkisa at P50,000. cash na ginamit sa entrapment.

“Bale double-sale ang ginawa niya sa isang dokumento, iisa lang franchise number pero dalawa ang papel, yung isa ibinenta daw niya sa isang Lani na pinsan niya at yung isa ay ditto nga sa mag-asawa kaya ang total ay P80,000. Pero ang bentahan niya ay hanggang P220,000 kaya posibleng may koneksiyon ito sa loob ng ahensiya para magawa niya ito,” ani Ibay.

Show comments