34 sa 1,706 brgys. pa lang sa MM ang na-clear sa ilegal na droga -- NCRPO
Sa 1-taon war on drugs
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde na malaki pa ang problema ng pamahalaan sa illegal na droga.
Ito’y kahit mahigit isang taon na mula nang ilunsad nila ang kanilang war on drugs.
Ayon kay Albayalde, sa ngayon ay may 34 pa lamang sa 1,706 barangay sa National Capital Region (NCR) ang na-clear na nila sa ilegal na droga habang ang 96% pa ay ikinukonsiderang apektado pa ng ipinagbabawal na gamot.
Aminado rin siya na kung magpapabaya ay maaari pa ring bumalik o mabuhay muli ang illegal drug trade sa mga naturang barangay.
Iniulat rin naman ni Albayalde na umaabot na sa P4 bilyong halaga ng ilegal na droga ang kanilang narekober sa mahigit isang taon nilang operasyon.
Matatandaang noong panahon ng kampanya sa halalan ay nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na reresolbahin ang problema sa illegal na droga sa loob lamang ng anim na buwan ngunit malaunan ay humingi ito ng ekstensyon sa kanyang self-imposed deadline, ng hanggang sa matapos ang kanyang termino.
Kasabay nito, inamin ng Pangulo na nagkamali siya ng kalkulasyon sa lawak ng problema ng bansa sa illegal na droga.
- Latest