4 sugatan sa amok

MANILA, Philippines - Sugatan ang apat na katao matapos pagsasaksakin ng isang nag-amok na lalaki na hinihinalang bangag sa  droga sa Pasay City, kamakalawa.

Nilalapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital (PCGH)  ang mga biktimang sina Benedicto Esteban, 42, ng Libertad St., Brgy. 69; Antonio Adolfo, 40; ang kanyang mga anak na sina  Nelson, 20, at  Angelique, 14, pawang nakatira sa Pestanas St.,  ng naturang barangay.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na si Efren Dacanay, 53,  residente rin ng nabanggit na barangay.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Giovanni Arcinue, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Pasay City Police, naganap ang insidente alas-4:15 ng umaga sa isang basketball court sa Interiod Libertad St., ng naturang lungsod habang nakatayo si Esteban, ng biglang pagsasaksakin ito  ni Dacanay at pagkatapos ay pumasok naman ito sa tahanan ng mga Adolfo at doon naman pinagsasaksak ang iba pang mga biktima.

Matapos ang pananaksak ay mabilis na tumakas ang suspect at ang mga biktima naman ay dinala ng kanilang mga kaanak sa naturang pagamutan.

May hinala ang pulisya na high  sa droga ang suspect na posibleng dahilan ng  pagwawala nito. 

Show comments