2 most wanted, 8 pa natimbog

MANILA, Philippines -  Natiklo ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang top 5 most wanted sa Region IV-B (Mimaropa) at ang top 6 most wanted sa Valenzuela City kasama na rin ang walo pang pinaghahanap ng batas sa pagpapalakas sa kam­panya sa manhunt sa mga wanted na kriminal.

Sa ulat ng Valenzuela City Police, nagsagawa sila ng ope­rasyon katuwang ang Mimaropa Regional Police Office dakong alas-10:30 ng Lunes ng gabi na nagresulta sa pagkakadakip kay Jonathan Rosas, nasa hustong gulang, sa kanyang pinagtataguang bahay sa No. 32 A. Fernando Street, Brgy. Marulas, ng naturang lungsod.

Hindi na nakapalag ang suspek nang ihain sa kanya ang warrant of arrest sa kasong frustrated homicide buhat sa Romblon Regional Trial Court Branch 81. Nabatid na top 5 na most wanted ang suspek na si Rosas sa San Fernando Municipal Police Station na sakop ng Mimaropa Regional Police.

Dakong ala-1:30 ng hapon nang madakip naman ng Va­lenzuela Warrant and Subpoena Section ang top 6 most wan­ted ng lungsod na si Larry Candelario Calaay, 33, ng Brgy. Karuhatan na nahaharap sa kasong frustrated homicide.

Naaresto rin ng NPD sa magkakahiwalay na operasyon ang walong suspek na may kinakaharap na warrant of arrest.  Kabilang dito sina Mark Arcenas Maduro, illegal drugs; Melvin Villegas David, violence against women and children; Joel Gabas, grave coercion; Prince Illustrisimo Corpuz, illegal drugs; at Jaime Suerte Undajare, estafa.

Sa Navotas, naaresto dahil sa warrant of arrest sina Sofia Bufete Joveres, slight physical injuries; Richmon Crisostomo Padrique, rape habang sa Valenzuela City, naaresto naman si Beatriz Navarette Brondial, may kasong estafa.

Show comments