Owner ng security agency, 3 pa todas sa shootout

Inisyal na nakilala ang nasawing negosyante na si Noel Alventura, alyas “Toto”, isang Richard Arroyo na umano’y drug runner, habang inaalam pa ang pangalan ng  dalawa  pang nasawi na hinihinalang mga miyembro ng isang sindikato ng iligal na droga na pinamumunuan ng una. File photo

MANILA, Philippines - Patay ang isang negosyante na may-ari ng isang security agency at tatlo nitong tauhan makaraang ang apat na oras na stand-off at pakikipagbarilan sa mga tauhan ng Caloocan City Police, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.

Inisyal na nakilala ang nasawing negosyante na si Noel Alventura, alyas “Toto”, isang Richard Arroyo na umano’y drug runner, habang inaalam pa ang pangalan ng  dalawa  pang nasawi na hinihinalang mga miyembro ng isang sindikato ng iligal na droga na pinamumunuan ng una.

Dalawang pulis naman ang sugatan nang madap­lisan ng bala na nakilalang sina P/Insp. Henry Taule, hepe ng Special Reaction Unit-North at PO2 Ernesto Alvero ng Police Community Precinct 6. 

Base sa ulat, isang residente ng South Street, Sto. Tomas Village, Brgy. 168 Deparo ang unang humi­ngi ng saklolo sa Emergency 911 ukol sa walang habas na pagpapaputok ng baril ng kanilang kapitbahay na si Alventura at mga tauhan nito.

Dakong alas-9:30 ng gabi nang rumesponde ang mga tauhan ng Caloocan Police North Extension Office (NEO) sa pamumuno ni P/Supt. Reydante Ariza ngunit nagkulong sa loob ng kanilang bahay ang mga suspek at pinapuputukan ng baril ang sinumang magtatangkang lumapit.

Tumagal ng halos apat na oras ang stand-off hanggang sa manawagan ang ina ni Alventura sa pamamagitan ng loud speaker at nakumbinse ang anak na palabasin ng bahay ang anim na bata kabilang ang dalawang anak ni Alventura.

 Matapos ito, naghagis umano ng teargas ang mga suspek at saka muling nagpaputok.  Nagawa namang makapasok ng gate ng bahay ang mga pulis at makaganti ng putok sa mga suspek na nagresulta sa pagkakapaslang sa apat.

Narekober sa loob ng bahay ng mga napaslang ang malalakas na kalibre ng baril tulad ng isang M14 assault rifle, limang kalibre .38 baril, isang kalibre .45 baril, at isang shotgun. Nakakuha rin ng anim na plastic sachet ng hinihinalang shabu at iba’t ibang drug paraphernalia sa loob ng bahay.

Show comments