4 pa patay sa drug operations sa Maynila

MANILA, Philippines - Patay ang apat na hinihinalang ‘tulak’ at isa ang inaresto sa isinagawang ‘Oplan Tokhang’ ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa magkaka-hiwalay na lugar sa Binondo at Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi. 

Kinilala ni PO3 Bernardo Cayabyab ng Manila Police District-Homicide Section ang unang dalawang biktima na sina  Gabriel Garcia, alyas Baba, 24 at Tonton Balasa, 28, kapwa  residente Gate 50, Area B, Parola Compound, Binondo, Maynila. Ang dalawa ay kapwa nagtamo ng tama ng bala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon kamakalawa sa loob ng bahay ng mga biktima.

Nadatnan umano ng mga operatiba ang tatlo na nasa loob ng bahay at naaktuhan na nagpa-pot session nang  tumakbo ang dalawa papasok sa kuwarto at kumuha umano ng baril kaya’t nang puputukan umano ang mga operatiba ay pinagbabaril sila hanggang sa bumulagta.

Nadakip ang isa pa nilang kasama na si Gerald Garcia, 22.

Samantala, dakong alas 8:15 ng gabi kamakalawa nang mapatay naman ang dalawa pang lalaki ng tatlong motorcycle rider   sa kalye na sakop ng Brgy. 362, Zone   36, sa Sta. Cruz, Maynila,

Dead-on-the-spot ang mga biktimang sina Oscar Abella, 55, at isang nakilala lamang sa alyas Ajit, 25-30 ang edad, na kapwa nagtamo ng tama ng bala sa  katawan.

Habang nagkukuwentuhan umano ang mga biktima nang biglang sumulpot ang mga suspek na sakay ng tig-iisang motorsiklo at pinaulanan ng bala ang mga biktima.

Sa crime scene, nakita sa tabi ng bangkay nila ang papel na may nakasulat na “Huwag mo na akong tularan, pusher, adik at drug den ang bahay ko”.

Show comments