P7.4-B expansion project sa North Harbor, magdadala ng trabaho sa Manilenyo

MANILA, Philippines - Libu-libong trabaho ang naghihintay sa mga Manilenyo kapag natapos na ang planong pagpapalawak ng Manila North Harbour Centre sa Tondo, ayon kay Mayor Joseph “Erap” Estrada.

Bukod pa rito, inaasahan din ni Estrada na bilyung-bilyong buwis ang kikitain ng lungsod sa P7.4-bilyong proyektong ito na pangungunahan ng construction conglomerate na R-II Builders, Inc.

“Wala tayong gagastusin dito pero napakalaki ng ating benepisyong makukuha tulad ng buwis at maraming trabaho para sa mga Manilenyo,” ani Estrada matapos lumagda sa isang joint-venture agreement kasama si Reghis Romero, chairman ng R-II Builders.

Sa ilalim ng proyekto, ire-reclaim ang 50 ektaryang bahagi ng Manila Bay upang dugtungan ang 79-ektaryang Manila North Harbour Centre, o mas kilalang North Harbor.

Sa 50 ektaryang ire-reclaim, 15 ektarya rito ay ibibigay sa pamahalaang lungsod. Ayon kay Estrada, ide-develop ito bilang bagong industrial complex ng lungsod.

Ayon kay Romero, panahon na upang palakihin pa ang North Harbor upang mabawasan na ang lumalalang port congestion. Aniya, matatapos ang proyekto sa loob ng dalawa’t kalahating taon.

Kailangan na rin aniya na palakihin pa ang North Harbor para sa mga naglalakihang cargo vessels na dumadaong dito araw-araw.

Show comments