MANILA, Philippines – Isang 85-anyos na lola patungong Canada ang pansamantalang pinigil sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng mga tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) makaraang makitaan ng bala sa kanyang check-in luggage. Gayunman makalipas ang ilang minuto ay pinayagan na rin itong makabiyahe.
Nauna rito tinawagan ng pansin ni Bryan Rivera, OTS security screening officer ang may-ari ng kulay green na hard case luggage (walang side pockets at may padlock) na nakapangalan kay Crisencia Pabustan, 85, tubong Pampanga at balik-bayan buhat Canada makaraang makitaan ng bala sa x-ray monitor.
Ayon naman kay Priscilla Pabustan Velasco, 62, anak ni lola Crisencia na siya mismo ang nag-impake ng kanilang bagahe kaya siya nagtataka kung bakit nagkaroon ng bala sa bagahe ng ina.
“May magic yata dito sa airport”, pahayag naman ni Anthony Pabustan, anak din ni Crisencia.
Inutusan na lamang ni OTS team leader Buenvenido Ross si Priscilla na alisin na lamang ang bala sa bagahe ng ina.
Ayon kay Ross nais nilang tulungan si lola at naniniwala silang hindi ito maglalagay ng bala sa bagahe.
Ininspeksyon naman ni Police Inspector Rey Dooc ang nakuhang bala at naberipika na ito ay isang “amulet”.
Ang naturang bala ay buhat sa cal. 45 na wala ng gunpowder at napalitan na rin ang bullet head kaya lumalabas umano na walang liability dahil sa hindi ito live bullet at hindi kinokonsiderang ammunition.
Kinumpiska na lamang ito ng pulisya. Matapos nga ang ilang minute ay pinayagan na ang mag-iina na makabiyahe patungong Canada lulan ng Eva Air.