MANILA, Philippines - Bunsod na rin ng pangamba hinggil sa panganib na dulot ng depektibong school building, nagpapasaklolo kay Pangulong Noynoy Aquino ang mga magulang ng mga estudyante ng Rosauro Almario Elementary School sa Tondo, Maynila. Kahapon ng umaga nang magka-isa ang mga magulang na magsagawa ng kanilang protesta habang hawak ang placard na nagsasaad ng kanilang kahilingan at pagkondena sa classrooms na itinayo noon pang 2010.
“Kami po ay nananawagan kay Pangulong Benigno Aquino, na sana naman po ay i-prioritize niya ang solusyon sa problema namin dito sa Rosauro Almario Elementary School. Lalo na po kasi ay magbubukas na ang klase, madadagdagan ang mga istudyante, eh yung mga bata malilikot. Natatakot po kami na baka may mangyari sa kanila sa sirang building na ‘yan,” ani Romeo Valenzuela na magulang at tiyuhin ng mga estudyante ng nasabing paaralan.
Naitayo ang gusali sa halagang P68.5 milyon noong Abril 28, 2010 ngunit inabandona agad noong isang taon dahil sa mga siwang, biyak sa mga pundasyon nito at sari-saring mga depekto. Kinumpirma rin ng mga inhinyero mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) – National Capital Region (NCR) ang mga nauna nang findings ng inspection team ng DPWH.
Mapapansin din na tumatabingi ang naturang gusali at humihiwalay sa Main Building kung saan ito naka-konekta, na ayon sa mga inhinyero ay senyales na ang buong istruktura ay nanganganib gumuho anumang oras. Sinuportahan naman ni Dr. Romeo Fernandez, principal ng paaralan ang apela ng mga magulang sa national at city government na agad na aksiyunan ang problema dahil inaasahang madadagdagan ang bilang mga bagong estudyante.