Driver vs driver, 1 sugatan

MANILA, Philippines – Nasa kritikal na kondis-yon ang isang tsuper nang saksakin ito ng kapwa nito tsuper matapos magtalo sa isang inuman kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Ginagamot sa Ospital ng Makati ang biktimang si Ro-ger Dichoso, 45, ng #1495 Galvani St., Brgy. San Isidro ng naturang lungsod, nagta­mo ito ng malalim na saksak sa likod buhat sa isang patalim.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na na­kilala lamang sa pangalang “alias Arnel”, hindi pa batid kung saan ito nakatira.

Lumalabas sa pagsisiyasat ni SPO2 Nilo Sadsad, ng Homicide Section, Makati City Police, naganap ang insidente alas-7:30 ng gabi sa panulukan ng Belarmino at P. Santos Sts., Brgy. Bangkal ng naturang lungsod.

Bago ang pananaksak, nagkaroon muna ng pagtatalo ang biktima at suspek habang nag-iinuman sa Pasay City.

Matapos ang inuman ay kanya-kaya nang nag-uwian at ang mainitang pagtatalo ng dalawa ay muling naungkat habang naglalakad ang mga ito hanggang sa binunot ng suspek ang nakatago nitong patalim at patraydor na inundayan ng saksak sa likuran ang biktima.

Matapos ang pananaksak ay mabilis na tumakas ang suspek at ang biktima naman ay dinala sa nasabing ospital nang rumispondeng rescue team. Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente.

Show comments