Trike driver niratrat ng tandem

MANILA, Philippines – Patay ang isang tricycle driver habang dalawa pa ang malubhang nasugatan nang pagbabarilin ng isa sa dalawang salarin na sakay ng motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Ca­loocan City.

Agad na nasawi dahil sa tama ng bala sa ulo ang 24-anyos na si Roberto Garing­, alyas Batang, residente ng Sitio­ Pechayan, Brgy. 178 Camarin. Isinugod naman sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital sina Marlon Obito, 29 at Jomari Liebanan, 23, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Sa ulat, kumakain sa isang karinderya sa may Camarin Road, Bgy. 178 ang tatlong biktima dakong alas-10:20 ng gabi nang dumating ang riding-in-tandem na suspect.

Bumaba ang angkas ng motor at walang sabi-sabing binaril nang malapitan sa ulo si Garing. Tinangka namang lumayo ng dalawa pang biktima ngunit sila rin ay pinagbabaril ng gunman saka tumakas.

Bigo naman ang mga tauhan ng Caloocan City Police-North Extension Office na ma­­sukol ang mga salarin. Nakuha sa lugar ng krimen ang walong basyo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril. Patuloy pa rin naman na inaalam ng pulisya ang motibo sa naturang krimen.

Show comments