Karambola ng 11 sasakyan: 7 sugatan

MANILA, Philippines - Pito katao ang nasugatan matapos magkarambola ang labing-isang sasakyan nang mawalan ng preno ang isang pampasaherong bus sa Parañaque City, kahapon ng umaga.

Bahagyang nasugatan lamang ang pitong biktima na pawang mga pasahero mula sa iba’t ibang sasakyan.

Base sa report na natanggap ni Leila Marcelo, Metro Manila Development Autho­rity (MMDA) Metro Base, naganap ang insidente alas-8:00 ng umaga sa panulukan ng MIA Road at Costal Road, Parañaque City.

Sa inisyal na imbestigas­yon, binabagtas ng Jethro bus na may biyaheng Cavite-Bulacan ang naturang lugar nang biglang mawalan ito ng preno.

Nagsanhi ito ng karambola ng labing isang sa­sakyan na kinabibilangan ng dalawang taxi, dalawang van, dalawang kotse, isang SUV, isang pick-up, isang jeep at isang motor­siklo.

Sa takot ng driver ng Jethro ay kaagad itong tumakas.

 

Show comments