Paslit todas sa lasing na ama

MANILA, Philippines - Nahaharap na ngayon sa kasong parricide ang isang ama makaraang aksidente umanong mabaril ang 10-an­yos nitong anak na lalaki, kamakailan sa Caloocan City.

Nakaditine ngayon sa Ca­loocan Detention Cell ang suspek na nakilalang si Glenn Guttierez, 44, residente ng Lot 7-E Phase 3 Hipon Alley, Dagat-Dagatan, ng naturang lungsod.

Samantala, nakaburol na sa kanilang tahanan ang anak nitong si Jefferson Guttierez, na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib.

Sa naantalang ulat ng Caloocan City Police, natutulog ang biktima at ang ate nitong si Glenda sa sofa sa sala ng bahay dakong alas-10:45 ng gabi noong Nobyembre 20 nang dumating ang ama na si Glenn na lango umano sa alak.

Pinaglaruan umano nito ang hindi pa mabatid na kalibre ng baril hanggang sa big­lang pumutok ito at tamaan ng bala ang natutulog na anak. 

Dito nawala ang pagkala­sing ng ama na siya mismo ang nagsugod sa anak sa Caloocan City Medical Center. 

Hindi na naisalba ng mga manggagamot ang buhay ng biktima na nalagutan ng hini­nga dakong alas-11:35 ng gabi. Agad namang sumuko sa mga otoridad ang suspek.

 

Show comments