2 gun for hire tiklo

MANILA, Philippines – Malubhang  nasugatan ang isang lalaki na hinihinalang miyembro ng  “gun-for-hire” nang natuhog ng rehas ng gate habang isa pang kasamahan nito ang natiklo sa ginawang pagsalakay ng mga tauhan ng Northern Police District sa kuta ng mga ito sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Isinugod sa Caloocan City Medical Center dahil sa mga sugat sa dibdib, hita at tuhod dahil sa pagkakatuhog ang suspek na si Ismael Watamana, alyas “Jonex”, 32, tubong Tamontara, Cotabato City, habang nadakip din ang kasamahan na si Jimmy Oquiza, 39, ng Baseco Compound, Tondo, Maynila.

Dinakip rin ang live- in partner ng suspek na si Watamana na si Guira Kagaw, 35, nang makialam sa operasyon ng pulisya.

Sa inisyal na ulat, sina­lakay ng mga tauhan ng District Special Operations Unit ang kuta ng mga suspek sa may Block 37 Lot 17 Phase 3E-1, North Caloocan dakong alas-11:30 kamakalawa ng gabi makaraang makatanggap ng impormasyon.

Hindi na nakapalag si Oquiza nang mapaligiran ng mga pulis habang nagawang makahulagpos si Watamana nang pumagitna ang misis na si Kagaw.  Umakyat sa bu­bungan ng bahay si Watamana ngunit nalaglag at bu­magsak sa matulis na bakal ng gate ng isang bahay sa lugar.

Sa impormasyon,  si Watamana ay dating miyembro umano ng private army ng mga Ampatuan sa Maguindanao at sangkot sa mga serye ng patayan sa Baseco Compound sa Tondo. Ito umano ang itinu­turong pumatay sa isang opisyal ng barangay sa Baseco at isang Pakistani nitong nakalipas na Agosto.

Nahaharap ngayon ang dalawang suspek sa mga kasong illegal possession of firearms and ammunitions habang kakasuhan si Kagaw ng obstruction of justice.  Patuloy ring biniberepika ang pagkakasangkot ng mga suspek sa iba pang krimen sa Camanava.

Show comments